Home NATIONWIDE PhilHealth bantay-sarado kay Bong Go

PhilHealth bantay-sarado kay Bong Go

MANILA, Philippines- Nangako si Senate committee on health chairperson Senator Christopher “Bong” Go na susubaybayan niya ang plano ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na magkaroon ng 30% increase sa case rate bago ang katapusan ng taon.

Nilikha ng PhilHealth ang All Case Rates Policy, isang mekanismo ng pagbabayad sa inpatient care sa pamamagitan ng isang case-based provider system, kung saan ang isang ospital ay binabayaran sa bawat discharged patient at pre-determined rates.

Sa public hearing kamakailan ng Senate committee on health na kanyang pinamumunuan, hinimok ng mambabatas mulang Davao City, ang PhilHealth na taasan ang case rate nito, palawakin ang mga benepisyo at irekomenda ang pagpapababa ng premium contributions ng mga miyembro sa gitna ng pagkakaroon ng labis na pondo sa kaban nito.

“Hindi ko kayo titigilan hanggang hindi tumataas ang case rates ninyo at hindi kayo nakakapag-implement ng bagong mga programa nang maayos,” sabi ni Go.

Ginawa ng senador ang pangako sa pagsasabing ang Universal Health Care Law ay kumakatawan sa pamumuhunan ng gobyerno sa kalusugan ng taumbayan at sa kinabukasan ng ating bansa. 

Idinagdag ni Senator Go na titiyakin niya na ang mga health care policy na ginagawa ng mga pampublikong opisyal ay mabuti at kapaki-pakinabang para sa mamamayan.

“Hangga’t kailangan ay patuloy nating isasagawa ang monthly committee hearings na ito masiguro lang na ginagawa natin ang ating oversight responsibility sa ilalim ng Universal Health Care Law,” iginiit ni Go. 

Sa nasabing pagdinig, iprinisinta ni PhilHealth President at CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr. ang mga benepisyong naihatid ng PhilHealth ngayong 2024, tulad ng Z benefit para sa breast cancer, neonatal sepsis, bronchial asthma, Konsulta expansion, at hemodialysis benefit package.     

Kasama rin sa serbisyo sa nalalabing panahon ng taon ang para sa physical and medical rehabilitation, dengue hemorrhagic fever, chemotherapy for lung, liver, ovary, and prostate cancer, ischemic heart disease with myocardial infarction, cataract extraction, at post-kidney transplant, at iba pa.

Kaugnay nito, hiniling ni Senator Go sa PhilHealth na i-cover maging ang dental benefits sa pagsasabing ang pondo ng PhilHealth ay dapat pakinabangan ng lahat ng Pilipino at dapat sumaklaw sa iba pang aspeto ng kanilang mga pangangailangan sa pangangalagang pangkalusugan. 

Kaugnay nito, binanggit ni Senador Go ang kabuuang gastusin sa kalusugan ng mga Pilipino, base sa isang 2024 Philippine Institute for Development Studies (PIDS) research. Ang 48% ay binayaran mula sa kanilang sariling bulsa, 25% nagmula sa bahagi ng gobyerno, tulad ng PhilHealth, habang ang iba ay mula sa boluntaryo at compulsory health care payment schemes. RNT