MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) na mas pinalawig pa ang online filing ng aplikasyon para sa reactivation.
Ayon sa Comelec, napagpasyahan ng Comelec en banc na palawigin ito hanggang Setyembre 25, limang araw bago ang itinakda namang deadline ng voter registration para sa 2025 midterm elections.
Ang orihinal na deadline ng filing ng application for reactivation ay noong Setyembre 7, 2024 ngunit dahil sa pinakahuling bilang ng mga Filipino voters na hindi pa nag-a-apply ng reactivation, ang Comelec en banc ay nagpasya na ito ay palawigin upang bigyang pagkakataon ang mga botante na makapag-reactivate ng kanilang voter registration record nang hindi nahihirapan pang magtungo sa Comelec offices.
Sa inilabas na abiso ng komisyon, kung ang isang indibidwal ay dati nang rehistradong botante ngunit deactivated ang registration status, maaaring mag-file online ng aplikasyon upang magpa-reactivate.
Kung ikaw naman ay senior citizens o person’s with disability (PWD), maaaring mag-file ng aplikasyon online para sa “reactivation with updating of records.”
Gayundin ang mga botante na nais mag-apply ng “reactivation with transfer of registration within OR with corrections of entries.”
Maaari ring mag-file online ang mga botante para sa ‘reactivation with transfer of registration within AND with corrections of entries.’
Ang online filing reactivation ay dapat sa pamamagitan ng email address ng Office of the Election Officers (OEOs) sa buong bansa na available sa opisyal na website ng Comelec sa www.comelec.gov.ph
Hinimok ng Comelec ang lahat ng deactivated na botante na samantalahin ang pagkakataon at i-reactivate ang kanilang voter registration online. Jocelyn Tabangcura-Domenden