MANILA, Philippines – Inilunsad ng Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes, Hulyo 3 ang digital platform na nagpapahintulot para sa online filing ng statement of contributions and expenditures (SOCEs) ng local at national na kandidato.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ang Project SURI ay isang web application na nagpapahintulot para sa digitalization ng pagsusumite ng SOCEs.
Pinondohan ang proyekto ng Japanese government sa pamamagitan ng pagbibigay ng ¥234 milyon o mahigit P91 milyon at magiging bahagi ng prepaarsyon para sa Bangsamoro elections.
Umaasa si Garcia na sa susunod na eleksyon ay gagamitin ito ng mga kandidato.
May option naman aniya ang mga kandidato kung saan maaari silang magsumite online o hard copies pa rin.
Ang mga kandidatong hindi maghahain ng SOCE ay kakasuhan ng administrative offense at mananagot na magbayad ng multa mula P1,000 hanggang P30,000.00 sa pagpapasya ng poll body, maliban sa mga aspirants sa barangay level.
Para sa mga nanalong kandidato o partidong pampulitika, ang hindi pagsunod ay maaari ring pigilan ang kanilang panunungkulan. Jocelyn Tabangcura-Domenden