NUEVA VIZCAYA, Philippines – Timbog ng Philippine National Police Drug Enforcement Group – Special Operations Unit 2 (PNPDEG SOU2) ang isa sa mga nasa watchlist High Value Individual o HVI sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Calitlitan, Aritao, Nueva Vizcaya.
Sa pinaigting na kampanya sa illegal drugs ni inilalang ni PCol. Romulo Talay Jr., Commander ng PNPDEG SOU2 kasama ang Nueva Vizcaya Police Provincial Office – Provincial Drug Enforcement Unit Team Leader, Regional Intelligence Unit 2 – Provincial Intelligence Team Nueva Vizcaya, at, ang Aritao Municipal Police Station ay naaresto ang suspek na si alyas Nhel na residente sa naturang lugar.
Nasamsam mula sa suspek ang 1,000 grams ng hinihinalang marijuana leaves na may fruiting tops at may katumbas na presyong 120,000 piso. Narekober din ang buy-bust money at non-drug evidence kabilang ang kanyang mobile phone, eco-bag, lighter at motorsiklo.
Sa imbestigasyon ng mga otoridad, ino-order umano ng suspek ang illegal na droga at ipinapadala umano ito sa mga parcel delivery bago niya ibenta ito sa ibang tao. Nasa isang taon na ang operasyon ng suspek na pagbebenta ng ipinagbabawal na droga.
Nahaharap ang suspek sa kasong may kinalaman sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (REY VELASCO)