MANILA, Philippines – Ipinahayag ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) ang seryosong pagkabahala sa mga ulat ng umano’y pananamantala laban sa mga manggagawa ng midya sa bansa.
Partikular na naalarma ang PTFOMS sa mga ulat ng sistematikong kampanya ng disimpormasyon na sinasabing isinasagawa ng mga dayuhang entidad laban kay Ms. Regine Cabato at sa Philippine Center for Investigative Journalism.
Ang mga pag-atakeng ito ay nag-ugat mula sa kanilang ulat tungkol sa paglaganap ng umano’y pro-China disinformation sa midya ng Pilipinas at mga online platform.
Ang pag-atake sa mga mamamahayag na naglalantad ng mahahalagang isyu ng pampublikong interes ay direktang pag-atake sa kalayaan ng pamamahayag at demokratikong transparency.
Kinokondena ng task force ang anumang dayuhang pakikialam na layuning patahimikin ang mga Pilipinong mamamahayag at sirain ang pangako ng ating bansa sa malaya at independiyenteng midya.
Nagpahayag din ng pagkabahala ang task force sa legal na aksyon laban sa mga beteranong mamamahayag na sina Misael “Boy” Gonzales Jr. ng radio DZRH at Felix Laban ng DZME Radyo Uno TV.
Inaresto si Gonzales dahil sa umano’y paglabag sa Data Privacy Act, habang si Laban ay naglagak ng piyansa sa tulong ng PTFOMS.
“Ang pag-target sa mga mamamahayag sa pamamagitan ng disinformation campaigns, legal na pananakot, at iba pang uri ng intimidasyon ay sumisira sa mahalagang papel ng midya sa demokratikong lipunan.” ayon pa sa PTFOMS
Ang PTFOMS ay aktibong nag-iimbestiga at nagmomonitor sa mga insidenteng ito at magsasagawa ng nararapat na hakbang kasama ang mga grupo ng midya at mga ahensya ng tagapagpatupad ng batas.
Naninindigan din ang task force on media security na kasama sila ng mga mamamahayag at nangangakong patuloy na magbabantay para sa karapatan at kaligtasan ng lahat ng mamamahayag sa Pilipinas. Jocelyn Tabangcura-Domenden