Home OPINION ONLINE SHOPPING: EXPECTATION VS REALITY

ONLINE SHOPPING: EXPECTATION VS REALITY

2
0

DAHIL sa pandemic, nauso ang online shopping kaya’t pindot-pindot lang ay posibleng mabili na ang lahat ng iyong kailangan. Ngayon, panahon na ng online shopping kahit pa sabihing wala at lipas na ang pandemic.

Naging maginhawa na ang lahat sa online shopping subalit sumasabay naman ang problema sa lumalalang ‘scam’ o panloloko sa mga mamimili na hindi lang isa hanggang sampu ang nabibiktima araw-araw.

Sa mga platform tulad ng TEMU, TIKTOK, FACEBOOK, LAZADA, SHOPPEE at mga katulad na online Shop, hindi maikakaila na napakalakas ng kanilang mga advertisement at promotional videos. Makukulay, kaakit-akit, at halos mapapabili ka kahit hindi mo naman kailangan ang produkto. Kaya naman, dito nagsisimula ang problema.

Ang ipinapakita sa video ay kadalasang malayo sa aktuwal na dumarating sa pintuan ng mamimili. Ang magarang kagamitan ay nagiging mumurahing plastik. Ang matibay na produkto ay nagiging sirain at depektibo. Ang ipinangakong kalidad ay napapalitan ng pagkadismaya. Sa madaling salita, nabayaran mo na bago mo pa malaman na naloko ka.

Hindi lahat ng online seller ay mandaraya, ngunit hindi rin maikakaila na marami ang gumagamit ng mapanlinlang na larawan at video upang makahikayat ng benta. Ang masakit, ang konsyumer ang laging dehado.

Pero ang mas nakaiinis ay ang patakaran ng ilang online shops na hindi maaaring buksan ang package habang hindi pa ito bayad. Paano mo malalaman kung tama ang laman kung bawal mo itong suriin? Para kang pinagbibili ng baboy sa sako. Kapag nabayaran mo na at saka mo lang natuklasang mali, kulang, o peke ang laman, saka pa lamang magsisimula ang mahabang proseso ng reklamo at refund.

Sa kabilang banda, hindi dapat sisihin ang mga rider at delivery personnel. Kadalasan, sila rin ang naiipit sa pagitan ng nagbebenta at mamimili. Marami sa kanila ang may malasakit at minsan pa nga ay binabalaan ang customer na posibleng “scam” ang package. Ngunit nakatali rin sila sa mga patakaran ng kompanyang kanilang pinaglilingkuran.

Panahon nang higpitan ng pamahalaan ang regulasyon sa online selling. Ang advertising ay dapat tumutugma sa tunay na produkto. Ang mamimili ay may karapatang makita at masuri ang kanyang binili.

Ang negosyo ay dapat nakabatay sa tiwala at hindi sa pambobola, panlilinlang, at panloloko. Ang perang pinaghirapan ng mamamayan ay hindi dapat gawing puhunan ng mga mapagsamantala.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here