Home NATIONWIDE Operasyon ng MRT-7 maaantala

Operasyon ng MRT-7 maaantala

MANILA, Philippines – Sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista nitong Lunes na pag-aaralan ng ahensya ang mungkahing realignment ng Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7) project, partikular sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Sinabi rin ng kalihim na ang rerouting sa MRT-7 ay nagdudulot ng pagkaantala sa full operation ng mass transit project.

“Pinag-aaralan nating mabuti kung irerealign. Pero kasi meron nang approved alignment eh, so it will cause another siguro study, baka ma-delay pa kung ire-realign natin eh,” saad ni Bautista sa Philippine Economic Briefing.

Noong nakaraang linggo, sinabi ni San Jose Del Monte Bulacan Mayor Arthur Robes sa isang pahayag na ang lokal na pamahalaan ay iminungkahi sa DOTr ang realignment ng MRT-7.

Ayon kay Robles, ang proyekto ay may kasalukuyan at hinaharap na implimasyon sa trapiko at makakaapekto sa kalidad ng pamumuhay gayundin ang pagkagambala sa paghahatid ng mahahalagang serbisyo, bukod sa iba pa.

Idinagdag pa na ang LGU ay hindi bahagi ng negosasyon pagdating sa ibang isyu kaugnay sa right-of-way.

Sinabi ng LGU na nauna nang sinabi ni Bautista na ang pagkaantala ay maaaring magtulak sa operasyon ng proyekto hanggang 2028 kung ang proponent, ang San Miguel Corp, ay magpasya na ituloy ang realignment.

Pero ayon sa kalihim, wala pang pasya sa mungkahing realignment. Sinabi rin na ang iba pang bahagi ng mass transit project lalo na ang North Avenue hanggang Lagro segments ay “on track”

Ang MRT-7 project ay 22-km railway na may 14 stations na tatakbo mula North Avenue sa Quezon City hanggang San Jose Del Monte City sa Bulacan.

Inaasahang makakapagsilbi ito sa humigit-kumulang 800,000 pasahero araw-araw.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)