Home NATIONWIDE Operasyon ng MRT3, LRT2 isusulong na isapribado

Operasyon ng MRT3, LRT2 isusulong na isapribado

MANILA, Philippines – Kasunod ng mga technical glitch na naglimita sa biyahe ng mga tren ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2), sinabi ni Transportation Secretary Vince Dizon nitong Huwebes, Hunyo 26 na isusulong ng pamahalaan ang plano nito na isapribado ang operasyon ng LRT-2 at Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

“Alam ninyo, hindi ganoon kadaling ayusin itong mga sistemang ito. Ang pangmatagalang solusyon talaga dito ay dapat [privatized] na itong mga sistemang ito kagaya ng LRT-2 at MRT-3. Iyon talaga ang pangmatagalang solusyon dahil habang ang gobyerno ang nag-o-operate nito, limitado tayo ng budget, limitado rin tayo ng ating mga procurement rules. Ibig sabihin niyan, hindi ganoon kabilis ang ability natin na mag-ayos nitong mga sistemang ito kaya iyon talaga ang ultimate solution,” sinabi ni Dizon sa press briefing ng Palasyo.

Matatandaan na naging matunog na rin ang planong pagsasapribado ng operasyon at maintenance ng LRT-2 at MRT-3 kahit sa nakaraang liderato ng DOTR.

Nakipag-ugnayan ang DOTR sa Asian Development Bank (ADB) para sa MRT-3 PPP o public-private partnership plan, at World Bank International Finance Corporation para sa LRT-2 PPP initiative.

“So, for LRT-2, mayroon tayong planong i-PPP na ito sa susunod na taon. Tinutulungan tayo ng International Finance Cooperation ng World Bank para mabilisan nang ma-PPP ito. Ang MRT-3 naman, tinutulungan tayo ng Asian Development Bank para ma-PPP na rin ito at tuluy-tuloy na rin ang maayos na pag-operate at maintain nitong dalawang luma nang linyang ito,” ani Dizon.

“Ang pagkakaalam ko, within [this year] ay masisimulan na natin ang proseso dahil ito ay ibi-bid out natin as a PPP,” dagdag pa.

Siniguro naman ni Dizon sa publiko na walang agarang magiging pagtaas sa pamasahe sa dalawang railway system sa oras na mapunta sa pribadong sektor ang operasyon nito.

“Hindi ibig sabihin na ‘pag nag-PPP tayo ay ganoon-ganoon na lang ang pagtaas ng presyo, dahil ang gobyerno pa rin ang magre-regulate sa fares ng mga train natin, kasama na dito ang LRT-2 at MRT-3, kaya makakaasa parin ang mga kababayan natin na hindi naman ganoon magiging kataas ang magiging pamasahe kahit na maging private na ang operator nitong mga train system na ito,” sinabi ni Dizon. RNT/JGC