MANILA, Philippines – Ipinagbabawal na ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), inanunsyo ni Mayor Wes Gatchalian nitong Martes, Hulyo 4.
“Hindi isang ordinance ho ang ating pinasa at pinopromote, kundi tatlong ordinance ito. First is Ordinance No. 1105 disallowing POGOs within the territorial jurisdiction of Valenzuela City,” sinabi ng alkalde sa isang press conference.
“Inuunahan ko bago pa dumating dito sa Valenzuela. Ayaw ko na pong dumating pa ‘yung punto na yun na ito pong mga isyu ng POGO ay darating din sa aming lungsod,” dagdag ni Gatchalian.
Anang alkalde, ang operasyon ng POGO ay minsang nagdudulot ng iba pang krimen katulad ng money laundering, prostitusyon, intimidasyon, kidnapping at iba pang “side business.”
Nababagabag din si Gatchalian na ginagamit ang mga resources ng lokal na pamahalaan katulad ng police assets, para tugunan ang problemang may kinalaman sa operasyon ng POGO sa halip na sa iba pang importanteng mga bagay.
Ipinasa rin ang hiwalay na ordinansa ng lungsod na Ordinance No. 93, na nagbabawal sa aplikasyon ng mga bagong small town lottery at online gambling operations sa lungsod katulad ng e-sabong, e-poker at iba pa.
Matatandaang umingay na naman ang panawagan ng pagpapahinto sa operasyon ng mga POGO sa bansa makaraan ang insidente ng pandurukot sa isang Chinese national na pinutulan pa ng daliri ng mga kidnapper. RNT/JGC