
TUMITINDIG ang balahibo ng milyones na mamamayang Pinoy sa napakamahal nang bigas.
Nasa P34-40 na kada kilo ang pinakamurang bigas sa mga palengke at tinatawag itong regular milled.
Ang iba na well milled, nasa P38-P46 at ang premium, nasa P32-P49 habang nasa P48-P60 ang mga lokal at ispesyal ng uri.
Napakalungkot namang isipin na hindi nakakayanan ng mga Kadiwa store ng pamahalaang Marcos na suplayan ang higit na nakararaming mahihirap sa presyong P25 kada kilo.
Pagpunta mo naman sa mga National Food Authority retailer, anak ng tokwa, pinagloloko-loko ng mga vendor ang mga mamimili.
Sa bawat limang kaban na nakukuha nila na NFA rice para ibenta, kinaklase-klasi nila ang mga ito na well milled at premium kahit iisang presyo ang kuha nila sa NFA at iisang kaban lang ang tinatatakang NFA rice.
Ganyan katindi ang problema sa presyo ng bigas na ikinahihirap talaga ng milyones na Pinoy.
P20-P25 KADA KILO HINDI IMPOSIBLE
Hindi imposibleng makakamit ang sinasabi ni Pangulong Bongbong Marcos na P20 o kahit P25 na lang kada kilong bigas.
Kinakailangan lang ang ilang mahalagang sangkap na dapat gawin sa pangunguna mismo ng pamahalaang Marcos.
Isa ang pagtuklas ng mga lupa na dapat palawakin bilang sakahan at may madaling pagkukunan ng suplay ng tubig.
Kasama na rin dapat ang pagkontrol o pagpigil sa land conversions at pagpigil na mabenta ang mga lupang sakop ng mga batas sa lupang agraryo.
Kapag nilamon lahat ang lupang sakahan at maging ang pupwedeng gawing sakahan ng mga land developer, industriyalista at pangkomersyal na pananim, hindi asikasuhin ang suplay ng tubig at payagang maibenta ang mga awarded na lupang agraryo, patay na ang produksyon sa palay o bigas.
Dapat ding tiyakin ang pagkakaroon ng mga binhi na doble ang ibubunga nito mula sa 70-100 kaban sa 200 kaban pataas sa bawat ektarya.
At dapat maging aktibo ang pamahalaan sa pagtulong sa mga magsasaka na kamtin ito sa pamamagitan ng makabagong paraan sa pagsasaka, pag-iwas sa korapsyon sa mga gamit sa pagsasaka gaya ng mga abono, makinarya at suplay ng tubig, pagtiyak na bawat butil ng palay ay hindi masisira at pagtiyak ng pinansyal na pangangailangan ng mga magsasaka.
KUNG NAGAWA NOON, MAGAGAWA RIN NGAYON
Nong panahon ni Apo Ferdie, makaraan ang ilang taong pagsusulong ng mabungang produksyon ng palay gamit ang mga noo’y makabagong siyensya sa produksyon ng butil at pamamaraan sa pagsasaka, pagsusulong ng pagkakaisa ng mga magsasaka na kakambal ng pampinansyang ayuda, umabot ang Pinas sa rice sufficiency at naging mura rin ang bigas.
Kung isasama ang ngayo’y makabagong buong sistema ng produksyon sa dating sistema, hindi imposibleng makamit ang P20-P25 kada kilong bigas.
Ang isang napakahalagang susi na dapat isulong at ulitin ay ang mahigpit na kooperasyon ng pamahalaan at mamamayan at pag-iwas sa anomang uri ng korapsyon sa sistema rito.