MANILA, Philippines – Wala pang sinumang Filipino ang nagpahayag ng pagnanais na umuwi ng bansa sa kabila ng ilang araw nang mga riot na sumiklab sa France.
Ang mga kaguluhan at protesta ay nag-ugat sa pagkakabaril-patay ng pulis sa isang 17-anyos na binatilyo sa nasabing bansa.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA)Undersecretary Eduardo de Vega nitong Martes, Hulyo 4, nakausap na umano niya si Philippine Ambassador to France Junever Mahilum-West at nagsabing umiiwas naman sa mga marahas na kilos-protesta ang mga Filipino sa France.
“Sabi niya kahapon, safe naman ‘yung conditions sa Paris at sa ibang lugar,” sinabi ni De Vega, sabay-sabing ang mga protesta ay nangyayari sa mga banlieues, o mga lugar kung saan mayroong mga insidente ng human rights violations at diskriminasyon.
“Ang mga Pilipino marurunong naman umiwas sa mga away,” dagdag pa niya.
Ayon kay De Vega, mayroong 26,000 na Filipino ang legal na naninirahan sa France, bagama’t posibleng doble ang bilang kung isasama ang mga hindi dokumentadong Pinoy.
Wala namang mga Filipino ang naninirahan sa nasabing mga banlieues.
“Maayos naman at sumusunod sila sa payo ng mayor at ng ating embassy,” ayon pa sa opisyal.
“Walang nagpaparinig na gusto magpa-repatriate,” dagdag niya. RNT/JGC