Home OPINION MEDIAMEN ALISING SAKSI SA DROGA (2)

MEDIAMEN ALISING SAKSI SA DROGA (2)

HANGGANG walang maipakikita ang pulisya at iba pang mga awtoridad na pruweba na hindi konektado sa pagiging mediaman ni Rene Joshua Abiad ang naganap na pang-aambush sa kanya at mga kamag-anak  nitong nakaraang Huwebes, mananatili ang paniniwala ng nakararaming mediamen na konektado ito sa kanyang trabaho.

Isang photographer ng Remate Online si Abiad na balitang ginagawang saksi sa maraming operasyon ng pulisya laban sa droga at isang kumpol na ng subpoena ng piskalya at korte mula sa ilang lungsod sa Metro Manila ang nasa kamay nito.

Kaugnay nito, sasabihin nating dapat nang tanggalin sa mga batas sa droga ang sapilitan o mandatory na pagiging saksi ng mediamen sa mga kasong droga.

Sa Republic Act No. 9165, magkasamang mandatory witness ang kinatawan ng media at Department of Justice at nang amyendahan itong RA 10640, nanatiling mandatory witness ang kinatawan ng media bagaman pwede nang ihiwalay ito sa National Prosecution Service.

Ginawa ang mediamen na sapilitang saksi upang mapigilan ang mga posible o aktuwal na “pagmamalabis o iligal o labag sa Saligang Batas na gawain” ng mga pulis at iba pang ahensyang lumalaban sa droga at para matiyak ang tagumpay ng pamahalaan sa mga kasong droga mula sa Regional Trial Court hanggang sa Supreme Court.

BUHAY NAKATAYA

Buhay ang nakataya sa mga kasong droga lalo’t walang sinasanto na mediaman ang mga iskalawag at ninja cop at iba pa at mga sangkot mismo sa droga kung naibabalita ang mga ito sa media sa anomang anyo nito.

Unang nagbuwis ng buhay si Remate correspondent Romy Binungcal sa Bataan noong 2004 at pumangalawa si Remate reporter Jojo Trajano noong 2009 at pumangatlo si Abiad, kung sakali, bagaman nakaligtas ito.

May nilalaman ang RA 9165 at RA 10640 na exceptions to the 3-fold witness rule at hindi kailangan ang mediamen bilang saksi at dapat ito na ang gamitin ng mga awtoridad, bukod sa pagkakaroon na nila ng body cameras.

O tanggalin na ang mediamen na mandatory witness sa mga kasong droga. (ITUTULOY)