Home OPINION MERSENARYO NG RUSSIA LABAN SA UKRAINE

MERSENARYO NG RUSSIA LABAN SA UKRAINE

KUNG malaki ang naging epekto hindi lamang sa ating bansa ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine subalit maging sa lahat ng panig ng mundo, tiyak na may epekto rin  kahit papaano ang nabukong paggamit ng mga mercenaries ng Russia sa paglusob sa Ukraine.

Ang mercenaries ay grupo ng mga propesyonal at elite na sundalo na nagsisilbi sa mga bansa na handang magbayad ng malaking halaga para sa serbisyo subalit itatatwa kapag gumawa ng hakbang na labag sa karapatang pantao o panuntunang ipinaiiral ng United Nation.

Napatunayang gumamit ng mercenaries ang  Russia sa inilunsad nilang giyera sa Ukraine sa pamaagitan ng Wagner Group na pinamumunuan ni Yevgeny Prigozhin dahil unti-unting lumilisan sa kanilang bansa ang maraming kalalakihan na ayaw sumabak sa giyera laban sa Ukraine.

Araw-araw kasi ay nag-uuwi ng bangkay ng mga sundalong Ruso ang Russia kaya’t bumayad na sila ng mga mersenaryo sa pamamagitan nga ng grupo ni Prigozhin na kaibigang matalik at tumatayong chef ni Russian President Vladimir Putin.

At dahil lumagpas sa panuntunan ng paglulunsad ng giyera ang Wagner Group, binatikos ng buong mundo si Putin kahit ininaila niya ang grupo ni Prigozhin.

Ang resulta,  itinigil ni Russian Defense Minister Sergei Shoigu ang pagsusuplay  ng armas sa Wagner Group kaya’t unti-unting nalalagas ang kanilang hanay lalo na’t halos hindi nauubusan ng armamento ang mga sundalong Ukraine na inaayudahan ng mga malalaking bansa, kabilang ang Estados Unidos.

Bukod dito, naghinala si Prigozhin na mismong ang mga sundalong Ruso rin ang umaatake at bumobomba sa kanilang grupo sa utos umano ni Shoigu kaya’t dito na nag-alburoto ang lider ng Wagner Group.

Ang ginawa ni Prigozhin, kinubkob niya ang headquarters ng military sa Rostov sa Russia at nagbanta pang magma-martsa sa Moscow upang patalsikin si Shoigu at iba pang lider ng military sa naturang bansa.

Mabuti na lang at pumagitna sa gulo si Belarussian President Alexander Lukashenko na dahilan upang magkaroon ng kasunduan sa pagitan ni Prigozhin at Putin kaya’t hindi na lumaki pa ang gulo.

Pumayag si Putin na hindi na parurusahan ng kamatayan si Prigozhin at kanyang mga tauhan dahil sa tangkang pag-aalsa basta’t umalis na lang sila ng Russia at magtungo sa sa bansang Belarus na sinang-ayunan din ng rebelde.