MANILA, Philippines – Patuloy ang pag-arangkada ng Pilipinas patungo sa upper-middle income status nito sa 2025.
Ito ay sa kabila ng updated World Bank classification na nagpapakitang ang Pilipinas ay isa pa ring lower-middle income country, kulelat sa ilang karatig-bansa sa Southeast Asia.
Sa datos ng Washington-based multilateral lender, lumalabas na ang gross national income (GNI) per capita sa Pilipinas noong 2022 ay nasa $3,950, mas mataas mula sa $3,550 noong 2021.
Ang GNI per capita ay ang kabuuang halaga ng kita ng bansa ayon sa populasyon nito.
Kapareho rito ang datos na ipinakita ng Philippine Statistics Authority kung saan ang GNI per capita ng bansa ay nasa P209,012 noong 2022, mas mataas ng 14.6% mula sa P182,438 noong 2021.
Bagama’t tumaas ang GNI per capita, bumaba pa rin ang ranggo ng Pilipinas sa lower-middle income economies ng WB, o $1,136 hanggang $4,465.
Sa kabila nito, naniniwala naman si National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na ang bansa ay on-track pa rin.
“Yes, by 2025.”
Nauna nang sinabi ni Balisacan na posibleng maabot ng bansa ang target nitong maging isang upper-middle income economy sa 2025.
Sa kauna-unahang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 2022, inaasahan umano na makakamit na ng bansa ang “upper-middle income status by 2024” sa “at least $4,256 income per capita.”
Kasama ng Pilipinas sa lower-middle income bracket ng WB ang Vietnam ($4,010 GNI per capita); Laos ($2,360); Cambodia ($1,700); at Myanmar ($1,210).
Pasok naman sa upper-middle income economy ang Malaysia ($11,780); Thailand ($7,230); at Indonesia ($4,580), na umangat ngayong taon sa lower-middle income status.
Nasa high-income bracket naman ang mga bansang Singapore ($67,200) at Brunei ($31,410). RNT/JGC