MANILA, Philippines – Mas maraming sulfur dioxide ang ibinuga ng Bulkang Mayon batay sa pinakahuling 24-hour monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa Phivolcs, nairehistro ang 1,558 metriko tonelada ng sulfur dioxide mula alas-5 ng umaga nitong Lunes, Hulyo 3, hanggang alas-5 ng umaga nitong Martes, Hulyo 4.
Mas malaki ito sa 962 metriko tonelada ng sulfur dioxide na naitala sa nakalipas na 24-hour observation period.
Nagdudulot ang mga volcanic gases gaya ng sulfur dioxide ng pinsala sa mata, balat at baga.
Sa karagdagang impormasyon, nakapagtala rin ang Bulkang Mayon ng anim na dome-collapse pyroclastic density currents (PDC) na tumagal ng tatlong minuto, isang front lava collpse pyroclastic density currents (PDC) na bumuo ng 300 metrong taas ng light-brown plume, 257 rockfall events at isang volcanic earthquake.
Nananatiling nasa Alert Level 3 ang babala sa bulkan. RNT/JGC