Home NATIONWIDE Operasyon ng taxi na sangkot sa viral video ng labis na paniningil...

Operasyon ng taxi na sangkot sa viral video ng labis na paniningil pinasususpinde ng LTFRB

1
0

MANILA, Philippines – Sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, sa loob ng 30 araw ang operasyon ng isang taxi matapos itong maningil nang labis sa isang dayuhang turista para sa biyaheng tumagal lamang ng limang minuto mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sinabi ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II na agad silang naglabas ng show cause order (SCO) laban sa operator ng taxi matapos matukoy ng social media team ng ahensya ang isang vlog tungkol sa insidente.

Batay sa vlog, naningil ang drayber ng taxi ng halagang P2,000 sa isang dayuhan para sa maikling biyahe mula sa paliparan patungo sa destinasyon; ang mas malala pa rito, hinayaan din ng drayber na sumakay sa sasakyan ang isa pang tao.

“Isang matinding paglabag ito sa mga tuntunin at regulasyon ng prangkisa. Walang pasahero—lalo na ang mga dayuhang turista na dapat nating tanggapin nang maayos sa bansa—ang nararapat makaranas ng ganitong uri ng pagtrato,” pahayag ni Chairman Vigor.

“Gayunpaman, bibigyan natin ang operator ng pagkakataong magpaliwanag bilang bahagi ng due process. Samantala, pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng nasabing taxi,” dagdag niya.

Kaugnay nito sa ilalim ng SCO, inatasang isuko sa LTFRB ang plaka ng taxi, habang inatasan naman ang operator na pasailalim sa drug test ang drayber na sangkot sa insidente.

Ayon kay Chairman Vigor, pinagpaliwanag ang operator ng taxi kung bakit hindi dapat patawan ng parusa dahil sa malinaw na paglabag—partikular na ang umano’y kabiguang magbigay ng ligtas, maaasahan, at maginhawang serbisyo sa pampublikong transportasyong panlupa, pati na rin ang umano’’y paniningil ng sobrang pamasahe.

Itinakda ang pagdinig sa Agosto 19, kung kailan inaasahan ding magsusumite ang operator ng isang notarized na paliwanag hinggil sa insidente. Nagbabala rin si Chairman Vigor sa mga operator at drayber ng taxi na maging maayos ang kanilang pag-uugali, at binigyang-diin na hindi mag-aatubili ang LTFRB na suspindihin o bawiin pa ang prangkisa sakaling may mga paglabag o maling gawain.

Samantala hinimok din niya ang publiko na agad iulat sa LTFRB ang anumang pang-aabuso ng mga drayber ng pampublikong sasakyan, kasabay ng pangakong mabilis na pagtugon at aksyon sa lahat ng reklamo na ipaparating sa pamamagitan ng hotline ng ahensya (1342) at mga online platform. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here