MANILA, Philippines – Ipinalabas na ng Malacañang ang opisyal na listahan ng regular holidays at special non-working days para sa taong 2026.
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Setyembre 3 ang Proclamation 1006 na naglalaman ng listahan ng holidays para sa susunod na taon.
Base sa proklamasyon na ipinalabas nitong Huwebes, ang mga sumusunod na petsa ay deklaradong regular holidays at special non-working days:
Regular Holidays:
January 1 (Huwebes) – New Year’s Day
April 2 – Maundy Thursday
April 3 – Good Friday
April 9 (Huwebes) – Araw ng Kagitingan
May 1 (Biyernes) – Labor Day
June 12 (Biyernes) – Independence Day
August 31 (huling Lunes ng Agosto) – National Heroes Day
November 30 (Lunes) – Bonifacio Day
December 25 (Biyernes) – Christmas Day
December 30 (Miyerkules) – Rizal Day
Special (Non-Working) Days:
August 21 (Biyernes) – Ninoy Aquino Day
November 1 (Linggo) – All Saints’ Day
December 8 (Martes) – Feast of the Immaculate Conception of Mary
December 31 (Huwebes) – Last Day of the Year
Additional Special (Non-Working) Days:
February 17 (Martes) – Chinese New Year
April 4 – Black Saturday
November 2 (Lunes) – All Souls’ Day
December 24 (Huwebes) – Christmas Eve
Samantala, idineklara ng Proclamation 1006 ang Pebrero 25, 2026 (Miyerkules) bilang special working day, bilang paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, na naghatid ng “political, social, and economic reforms in the country.”
Inatasan din ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magpalabas ng implementing guidelines para sa proklamasyon, na kagyat na magiging epektibo.
Ayon pa sa proklamasyon, ang deklarasyon ng national holidays para sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr at Eid’l Adha ay ipalalabas pagkatapos madetermina ang approximate dates ng Islamic holidays, alinsunod sa Islamic calendar (Hijra) o lunar calendar, o sa pamamagitan ng Islamic astronomical calculations. Irerekumenda ng National Commission on Muslim Filipinos sa Pangulo ang aktuwal na petsa ng mga holiday na ito.
Nakasaad din na ang Pebrero 17, 2026 ay maaaring ideklara bilang special (non-working) day bilang pagkilala sa Chinese New Year, isa sa “most revered and festive events” na ipinagdiriwang hindi lamang sa Tsina kundi pati na rin sa Pilipinas.
Ang Black Saturday na babagsak sa Abril 4, 2026 ay tradisyonal na idinedeklara bilang special non-working holiday sa buong bansa, bilang bahagi ng pagninilay sa Mahal na Araw, na itinuturing na “one of the most cherished traditions of our predominantly Catholic people.”
Sa bisa ng Republic Act 9256, ang Agosto 21 ng bawat taon ay deklaradong national non-working holiday para gunitain ang death anniversary ni dating Senador Benigno S. Aquino Jr. Samantala, ang Disyembre 8 ay ipinagdiriwang bilang special non-working holiday sa buong bansa para gunitain ang Kapistahan ng Immaculate Conception of Mary.
Ayon pa sa Proclamation 1006, idinedeklara rin ang Nobyembre 2, 2026 (Lunes) at Disyembre 24, 2026 (Huwebes) bilang karagdagang special non-working days sa buong bansa upang “palakasin ang family ties sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas mahabang oras para sa All Saints’ Day, All Souls’ Day activities, at Christmas activities, gayundin para isulong ang domestic tourism.”
Ang kopya ng Proclamation 1006 ay inilathala sa Manila Bulletin. Kris Jose