MANILA, Philippines – Nanatiling kumpiyansa ang dalawang Kapulungan ng Kongreso na maipapasa sa takdang panahon ang PHP6.793-trilyong panukalang 2026 national budget, sa kabila ng mga isyung lumitaw hinggil sa umano’y mga maling entry, dobleng pondo, at kuwestiyonableng proyekto sa National Expenditure Program (NEP).
Sa panig ng Kamara, tiniyak ni House spokesperson Princess Abante na tuloy-tuloy ang deliberasyon ng General Appropriations Bill (GAB) para sa mga item na walang problema.
“Kaya nga tuloy-tuloy pa rin ang budget deliberations para ‘dun sa mga items na wala namang problema ay ma-tackle na siya. Hindi natin alam kung gano’ng kabilis ‘yung magiging review ng DBM doon sa mga budget na may nakitang may mga observations ang mga members,” ani Abante.
Dagdag niya, malinaw ang sentimyento ng mga lider ng partido na dapat ayusin muna ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga nakitang mali bago pa man ito tuluyang pagtibayin ng Kamara.
“Again, ‘yung sulian ng NEP ay hindi nga ito ‘yung physical na pagbalik… but the sentiments of party leaders are clear: there’s a need to review, to correct what they called the massive mangling of the budget proposal,” paliwanag niya.
Ipinunto rin ni Abante na nais ng mga mambabatas na managot ang DBM sa integridad ng NEP upang hindi muling maparatangan ang Kamara ng tinatawag na “insertions.” “This is not a simple matter for the House. This is a serious task. This is mandate given to the House of Representatives by the Constitution to review, to approve the budget of the government kaya siniseryoso ng Kamara ang kanilang tungkulin,” giit niya.
Samantala, tiniyak naman ni Senador Sherwin Gatchalian, tagapangulo ng Senate Committee on Finance, na nananatiling pangunahing prayoridad ng Senado ang pagpasa ng pambansang pondo bago matapos ang taon. “The approval of the 2026 budget remains a top priority of the Senate. We understand the concerns raised by House leaders,” aniya sa isang pahayag.
Dagdag pa niya, magpapatuloy ang mga budget briefing sa Senado upang maiwasan ang anumang pagkaantala.
“Gusto nating maisabatas ang isang maayos at mapagkakatiwalaan na pambansang pondo para sa tuloy-tuloy na pag-angat ng ekonomiya,” sabi ni Gatchalian.
Matatandaan na una nang nanawagan ang Malacañang sa mga ahensya ng gobyerno na repasuhin ang kani-kanilang spending plans para sa 2026 upang masiguro na walang nakapasok na insertions.
Mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nag-utos ng masusing pagsusuri sa panukalang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH), matapos iugnay ang ilang flood control projects sa umano’y anomalya.
Tiniyak naman ni DBM Secretary Amenah Pangandaman at bagong talagang DPWH Secretary Vince Dizon na makukumpleto ang review sa loob ng dalawang linggo at ang anumang pagbabago ay ihahain sa Kongreso bilang errata. RNT