Home NATIONWIDE Oplan Katok ng PNP ‘di tuluyang sinuspinde

Oplan Katok ng PNP ‘di tuluyang sinuspinde

MANILA, Philippines – Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na hindi tuluyang sinuspinde ang Oplan Katok, ang kampanya laban sa mga may-ari ng baril na paso ang lisensya, ngunit nagpatupad ng mas mahigpit na alituntunin upang maiwasan ang pang-aabuso.

Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, hiningi ng Commission on Elections (Comelec) ang mga karagdagang patnubay na ito upang matiyak na ang programa ay sumusunod sa batas ng national firearms control at hindi magagamit sa maling paraan ngayong panahon ng halalan.

Sa bagong patakaran, ang mga abiso para sa mga paso ang lisensya ng baril ay ipapadala na sa pamamagitan ng courier.

Naunang ipinahayag ni Comelec chairperson George Garcia na inakala nilang sinuspinde na ng PNP ang Oplan Katok matapos ang pangako ni PNP chief Police General Rommel Marbil na susunod ang PNP sa mga direktiba ng Comelec.

Tiniyak ni Fajardo na hindi gagamitin ang programa para sa pananakot o panggigipit, lalo na laban sa mga kandidato sa halalan. RNT