Home NATIONWIDE EDSA busway operational pa rin sa gitna ng mega rehab – DPWH

EDSA busway operational pa rin sa gitna ng mega rehab – DPWH

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Public Works and Highways-National Capital Region (DPWH-NCR) na mananatiling operational ang EDSA Busway habang isinasagawa ang rehabilitasyon ng pangunahing kalsada na magsisimula sa katapusan ng Marso.

Ayon sa DPWH-NCR, ang EDSA Busway, na ginagamit lamang ng mga bus, sasakyang may dalang limang pinakamataas na opisyal ng gobyerno, at mga sasakyang rumeresponde sa emerhensiya, ay lilipat pansamantala sa katabing linya habang nananatiling bukas ang mga EDSA bus stations para sa mga commuter. Kapag natapos ang pag-aayos ng mga saradong bahagi ng unang linya, ibabalik ang EDSA bus lane sa orihinal nitong daanan para sa regular na operasyon.

Bahagi ang rehabilitasyon ng paghahanda ng bansa sa pagho-host ng ASEAN Summit sa susunod na taon. Magsisimula ang pag-aayos sa northbound na bahagi ng EDSA mula sa boundary ng Quezon City at Caloocan hanggang Monumento.

Isasagawa ang rehabilitasyon nang pa-segment at pa-linya upang mabawasan ang abala sa mga motorista. RNT