IPINAAALAM ng Bureau of Fire Protection (BFP) na ilalagay ang buong ahensya sa “Blue Alert” simula Disyembre 15, 2025, at lilipat sa “Red Alert” simula Disyembre 23, 2025 hanggang Enero 2, 2026, bilang paghahanda sa posibleng emerhensiya sa Kapaskuhan at Bagong Taon.
Ayon sa BFP, ang blue alert ay nangangailangan ng 50 porsyento ng presensya ng mga tauhan at nakatuon sa paghahanda para sa anomang insidente ayon sa Incident Management System. Samantalang ang red alert ay nangangailangan ng 100 porsyento ng presensiya, kung saan dapat manatili ang mga tauhan sa kanilang opisina o istasyon para sa 24-oras na pagbabantay, upang kaagad na makapagresponde sa mga kritikal na insidente. Lahat ng aplikasyon para sa leave, maliban sa sick leave, ay pansamantalang ipinagbabawal.
Sinabi ni BFP spokesperson senior superintendent Bonifacio Carta na kabilang sa red alert ang pag-monitor sa buong kapaligiran at agarang pagtugon sa anomang emerhensiya.
Kasabay nito, ilulunsad ng BFP ang kampanyang “Oplan Paalala – Iwas Paputok” na magde-deploy ng 32,000 personnel mula sa kanilang regional, provincial, district, city, at municipal stations sa buong bansa. Layunin ng kampanya na itaas ang kamalayan ng publiko sa kaligtasan laban sa sunog sa panahon ng Christmas season.
Sa ilalim ng Oplan Paalala:
– Magpapatrolya ang mga fire truck at ambulansya sa mga estratehikong lugar.
– Magkakaroon ng public information campaigns at masinsinang inspeksyon sa mga pyrotechnics, dekorasyong elektrikal, manufacturing at distribution facilities, high-risk establishments, at transportation hubs.
— Mag-monitor ng mga designated community fireworks display areas.
– Aktibo rin ang BFP sa social media sa pamamagitan ng short reels, audiovisual presentations, at posters upang ipaalala ang tamang pag-iingat.
Binigyang-diin ni Sr. Supt. Carta ang kahalagahan ng pag- double check ng mga Christmas decorations, at mahigpit na pagsunod sa mga batas ukol sa paggamit ng paputok at pyrotechnics.
Aniya, “Ang kaligtasan sa bawat tahanan at komunidad ay responsibilidad nating lahat.”
Para maging tunay na masaya at ligtas ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon, ipinapaalala na:
– Siguraduhing gumamit lamang ng sertipikadong paputok.
– Huwag iiwan ang mga nag-aapoy na kandila o Christmas lights nang walang bantay.
– I-report agad sa BFP ang anomang sunog o kapanganiban sa kaligtasan sa pamamagitan ng 911 o pinakamalapit na istasyon ng BFP.
Sa datos na mayroon ang BFP, mula January 2025 hanggang nitong June 2025 ay umabot sa 8,412 na sunog ang naitala sa buong bansa kung saan 7,828 ang narespondehan kaagad habang nasa 585 ang huli na naiulat o hindi naiulat sa ahensya.






