Home NATIONWIDE Oplan Romanov nagmula kay Davao Mayor Duterte, babala laban sa pamilya Marcos,...

Oplan Romanov nagmula kay Davao Mayor Duterte, babala laban sa pamilya Marcos, ‘di kay VP Sara – Lotoc

2
0

MANILA, Philippines – Inihayag ni National Bureau of Investigation (NBI) Regional Director Jeremy Lotoc sa Senate impeachment court na ang terminong “Romanov” na ginagamit ng depensa upang ipaliwanag ang kontrobersyal na pahayag ni Vice President Sara. Duterte noong Nobyembre 23, 2024 ay orihinal na binitawan bilang babala laban sa pamilya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr  at hindi laban sa Bise Presidente.

Ginawa ni Lotoc ang paglilinaw sa kanyang cross-examination matapos igiit ng depensa na ang naging pahayag ni VP Duterte na pagbabanta ay sagot lamang sa tanong sa isang ngtanong sa isang online press conference ukol  “Operation Romanov” na nagtatarget sa kanyang pamilya.

Ang nasabing online press conference ni VP Duterte noong November 23 ang sentro ng ika-apat na article of impeachment na nag-aakusa kay Duterte ng grave threats at betrayal of public trust matapos niyang sabihin na nag-utos siya na ipapatay si Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at noon ay dating House Speaker Martin Romualdez kapag siya ay napatay.

Binasa sa rekord ni defense counsel Mark Vinluan ang tanong ng pro-Duterte online personality na si Princess Maui kung saan binalaan nito si Duterte ukol sa “Operation Romanov” na target burahin ang pamilya Duterte.

Gayunman, nilinaw ni Lotoc na una niyang narinig ang terminong “Romanov” kay Davao City Mayor Sebastian Duterte sa isang Maisug rally, at walang napatunayang impormasyon ang mga imbestigador na mayroong ganoong operasyon laban sa mga Duterte.

“Narinig ko ’yung term na Romanov noong binigkas ni Mayor Baste noong January during Maisug rally. Other than that, wala akong na-validate about Romanov operation,” testimonya ni Lotoc.

Nang tanungin ni Senator-judge Raffy Tulfo kung ano ang eksaktong sinabi ni Mayor Duterte, sinabi ni Lotoc na ginamit ng alkalde ang sinapit ng huling pamilyang hari ng Russia bilang babala sa Unang Pamilya ng Pilipinas.

Nagtaka naman si Tulfo kung bakit inilarawan ni Princess Maui ang “Romanov” bilang banta laban sa pamilya Duterte sa ginanap na online press conference.

“Nagtataka ako na binanggit ’yan ni Princess Maui doon sa online press conference ni VP Sara, ’yung Romanov na banta para sa mga Duterte. When in fact, it was Baste Duterte ang nagbitaw ng salita na ’yun, warning sa First Family,” ani Tulfo.

Nang muling tanungin kung saan nagmula ang salitang Romanov, itinuro ni Lotoc ang kapatid ng Bise Presidente.

“Yeah, insofar as our investigation is concerned, since nag-start yan doon kay Mayor Baste, at wala ho kaming ma-validate na ibang Romanov operations na nangyari, I think nag-start ’yan sa kanila, sir, sa kapatid ng Vice President,” paglilinaw ng testigo.

Maging si Senator-judge Panfilo Lacson ay napaamin na ang buong akala niya noong nakaraang linggo ay banta laban kay VP Duterte ang nasabing operasyon.

“I don’t know about the other senator-judges, but  pero, uh, until today, when Senator Judge Raffy Tulfo clarified, na yung palang Oplan Romanov, eh, threat against the First Family(Duterte),” saad ni Lacson na sinang-ayunan naman ni Lotoc.

“Ang impression ko, since last week, you know, nung pinag-uusapan natin yung Oplan Romanov, eh, threat ito against the Vice President,” dagdag ni Lacson.

Inihayag din ni Lotoc na inimbitahan ng NBI si Princess Maui upang magpaliwanag ukol sa kanyang alegasyon ngunit hindi ito sumipot.

Nang tanungin ng depensa kung nag-imbestiga ang NBI sa totoong pag-iral ng Operation Romanov, sinabi ni Lotoc na limitado lamang ang imbestigasyon ng Cybercrime Division sa mga paglabag sa information and communications technology, at ang ibang usapin ay nasa ilalim na ng intelligence service. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here