MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Risa Hontiveros nitong Miyerkules, Pebrero 18 na inaasahang iaanunsyo ng oposisyon ang presidential candidate nito para sa 2028 national elections sa pagtatapos ng taon o sa unang bahagi ng 2027.
Ito ay kasunod ng anunsyo ni Vice President Sara Duterte na tatakbo siya bilang pangulo sa 2028 polls.
“Ang masasabi ko lang, sa ngayon 2026, nakatutok ang mga reform-minded at opposition forces sa pagbubuo ng mas mahigpit pang pagkakaisa para pumili ng aming mga kandidato whether by end of the year or first quarter of next year,” sinabi ni Hontiveros sa isang press conference.
Aniya, pareho pa rin ang hinahanap na common values ng united opposition para sa magiging standard-bearer nito.
“Dahil ilang taon na rin kaming magkakasama at regular na naguusap, eh bago pa man itong recent important development ay patuloy ‘yung pagle-level off namin pagkakasundo kung ano ‘yung aming mga requirements or qualifications na hahanapin sa aming hanay. Hindi po nagbabago ‘yun,” paliwanag ni Hontiveros.
“‘Yung common values na nahanap namin sa aming hanay, ‘yung pagnanais para sa anti-corruption and good governance, ‘yung pag-grow at pagse-share ng bunga ng ating mas malakas na ekonomiya, at isang tunay na pagkakaisa sa ating divided at polarized na lipunan, of course pambansang soberenya at iba pa,” dagdag pa niya.
Samantala, nagkomento naman ang senador sa presidential bid ni Duterte at sinabing, “Well, sabi ng mga paborito nating mga philosophers tayo po ay may free will, so gamitin po natin.”
Kamakailan ay sinabi ni Hontiveros na nananatili siyang bukas na tumakbo bilang pangulo o maging vice president sa 2028 elections kung ito ang mapagkakasunduan ng united opposition. RNT/JGC