MANILA, Philippines- Sinang-ayunan ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na panahon na para pag-usapan kung dapat pang sumali ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).
Matatandaang pinanindigan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi kinikilala ng kanyang administrasyon ang hurisdiksyon ng ICC at hindi ito makikipagtulungan sa kahit na anumang imbestigasyon sa madugong war on drugs ni dating Pangulog Rodrigo Roa Duterte.
Gayunman, sa nakalipas na ilang buwan, inamin ni Pangulong Marcos na lumambot ang kanyang posisyon sa hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas, may kaugnayan imbestigasyon sa drug war.
At nang tanungin kung babaguhin ba ng Pangulo ang kanyang pananaw sa ICC, sinabi ni Castro na: “As of the moment we will try to discuss that.”
Araw ng Lunes, Marso 17, 2025, eksaktong anim na taon, ay ginugunita ang tuluyang pagkalas ng Pilipinas sa poder ng International Criminal Court (ICC), sa ilalim ng noo’y administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi naman inakala ng nakararami na sa Marso rin mangyayari ang pag-aresto sa dating Pangulo sa kasong “crimes against humanity,” kaugnay sa kanyang giyera kontra droga, nagbunsod umano sa “extra-judicial killings” o EJK.
Taong 2016, bitbit ni Duterte ang pangako sa taumbayan na wawakasan na niya ang problema hinggil sa paggamit ng droga, at nagdeklara ng giyera kontra droga laban sa mga nagtutulak nito. Isa ito sa mga naging dahilan kung bakit naipanalo niya ang halalan at naging presidente ng bansa.
Hindi pa man nag-iinit sa pwesto, bandang Oktubre 2016 ay sinabi ni ICC prosecutor Fatou Bensouda na minamatahan nila ang Pilipinas, dahil sa pagtaas daw ng kaso ng madugong patayan, na iniuugnay nga sa giyera kontra droga. Nobyembre 2016, pumalag ang dating Pangulo at sinabing binabalak niyang i-withdraw ang Pilipinas sa ilalim ng ICC.
Tinawag pa niya itong “inutil.” Hindi naman nagpatinag ang ICC at sinabing magsasagawa sila ng preliminary examination sa mga naganap na “EJK” sa bansa. Malugod naman itong tinanggap ng administrasyon, at nagpatuloy pa rin ang mga operasyon para sa war on drugs.
Makalipas ang dalawang taon, noong Marso 18 ay inanunsyo ng dating Pangulo na natanggap na ng pamahalaan ang written notification of withdrawal mula sa Rome Statute ng ICC. Paglilinaw naman ng ICC, magiging epektibo lamang ito isang taon makalipas ang pagkakatanggap ng nabanggit na written notification.
Sinasabing naipadala at natanggap ang written notification noong Marso 17, 2018. Kris Jose