MANILA, Philippines – KINUMPIRMA ng Malakanyang na lulusawin na ang Office of the Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs (OSAPIEA).
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang paglusaw sa OSAPIEA ay kasunod ng pagkakatalaga kay dating Special Assistant to the President head Frederick Go bilang Kalihim ng Department of Finance.
Sinabi pa ni Castro na nakausap niya si Frederick Go kung saan sinabi nito na ang DTI na ang hahawak ng ‘technical at substantial work’ na may kaugnayan sa trade agreements.
“So, wala naman pong maapektuhan and considering na galing po si Secretary Go sa OSAPIEA at siya din naman po ang magiging secretary ng department of finance so magkakatulungan po yun,” ang sinabi ni Castro.
At sa tanong kung kailan ito madi-dissolve, ang tugon ni Castro ay “wala pang timeline kailan ito madidissolve.”
Samantala, ang OSAPIEA ay nilikha sa pamamagitan ng Executive Order 49 na tinintahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Disyembre 15, 2023, direktang nagta-trabaho sa ilalim ng Office of the President.
Kabilang sa mandato ng OSAPIEA ay ang magbigay sa Pangulo ng strategic advice hinggil sa pinakamahalagang economic concerns gaya ng inflation, food security at paggalaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Inatasan din ito na makipag-ugnayan, i-monitor at i- evaluate ang mga priority programs at mga proyekto sa ilalim ng Philippine Development Plan 2023–2028. Kris Jose