MANILA, Philippines – Umatras umano ang Office of the Solicitor General (“OSG”) na maging kinatawan ng pamahalaan hinggil sa pinag-isa na mga petitions for habeas corpus na isinampa sa Korte Suprema ng mga anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Atty. Salvador Panelo na naghain na umano sa Supreme Court (SC) ng Manifestation at Motion ang OSG para ipahayag na hindi sila maaaring maging kinatawan ng pamahalaan sa kaso dahil sa posisyon nito noon na walang hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC).
“Considering the OSG’s firm position that the ICC is barred from exercising jurisdiction over the Philippines, and that the country’s investigative, prosecutorial and judicial system is functioning as it should, the OSG may not be able to effectively represent Respondents in these cases and is constrained to recuse itself from participating herein,” bahagi ng umano ay nakasaad sa mosyon at manifestation ng OSG.
Dahil dito, iginiit ni Panelo na mistulang inamin na umano ng abugado ng gobyerno na wala talagang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas.
Hanggang sa sinusulat ito ay wala pang ibinibigay na kumpirmasyon o pagtanggi ang OSG hinggil sa pahayag ni Panelo.
Magugunita na taon 2023 naghain ang OSG ng Appeal Brief sa ICC na humihiling na mabaligtad ang desisyon ng Pre Trial Chamber ng ICC na suspendihin ang imbestigasyon nito sa war on drug.
Dati nang sinabi ng OSG na hindi “legally and morally bound” ang Pilipinas na makipag-cooperate sa ICC. TERESA TAVARES