MANILA, Philippines – Nagkita-kita ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Linggo, Marso 16, para isapinal ang mga bubuo ng legal team na didepensa sa dating Pangulo laban sa mga reklamong crimes against humanity na isinampa sa International Criminal Court.
Sa kasalukuyan ay si dating executive secretary Salvador Medialdea lamang ang legal representative ni Duterte na kinikilala ng ICC.
Nauna nang sinabi ni dating presidential spokesperson Harry Roque na nakausap na niya si British-Israeli lawyer Nicholas Kaufman, isa sa mga pangalan na ipinasa ng kampo ni Duterte sa ICC na posibleng magrepresenta sa dating Pangulo.
Aniya, isusulong nila ang pagbasura sa mga reklamo sa susunod na pagdinig ng ICC sa Setyembre 23.
Samantala, sinabi ni Roque na humiling si Duterte ng tsinelas at medyas nang bumisita ang kanyang anak na si Vice President Sara Duterte sa Scheveningen Prison.
May hawak na ‘daily pass’ si VP Sara para bisitahin ang kanyang ama. RNT/JGC