MANILA, Philippines- Inihayag ng Office for Transportation and Security (OTS) na maglalagay ng screening checkpoints sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bago ang mga counter ng Bureau of Immigration (BI).
Ayon kay OTS spokesperson Kim Marquez, nakatanggap sila ng mga reklamo mula sa mga pasahero na kapag nakitang may mga ipinagbabawal na bagay, ay hindi na makakabalik sa mga check-in counter para iwanan ang mga ito dahil ang kanilang mga pasaporte ay natatakan na ng BI.
Aniya, kapag tapos na ang screening bago ang Immigration, ang mga pasahero ay may opsyon na ipacheck-in ang mga bagay na hindi pinapayagan sa halip na kumpiskahin.
Nilinaw ni Marquez na walang na-offload dahil sa pagdadala ng mga ipinagbabawal na bagay dahil ang OTS lamang ang maaaring mangumpiska.
Sinabi ng tagapagsalita ng BI na si Dana Sandoval na ang hakbang ay isa ring welcome development para sa kanila.
“Anumang aksyon ng mga awtoridad sa paliparan upang mapabuti ang lugar para sa kaginhawahan ng bumibiyaheng publiko ay susuportahan ng BI,” sabi ni Sandoval. JR Reyes