Home NATIONWIDE Pagpapalipad ng drone sa Traslacion bawal – CAAP

Pagpapalipad ng drone sa Traslacion bawal – CAAP

MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na hindi na sila maglalabas ng Notice to Airmen (NOTAM) hinggil sa no-fly at no-drone zones sa paligid ng Quirino Grandstand at Quiapo Church sa gaganaping “Traslacion” o prusisyon ng imahe ng Itim na Nazareno sa Enero 9.

Ipinaliwanag ng CAAP na ang nasabing mga lugar ay nasa loob ng “RP-P1”, isang restricted airspace kung saan ang parehong lateral at vertical na paglipad ay ipinagbabawal sa loob ng dalawang-nautical-mile radius at hanggang 5,500 talampakan mula sa Palasyo ng Malacañang.

Sa Philippine aviation, ipinaliwanag ng CAAP na ang terminong “RP-P1” ay tumutukoy sa “Restricted Area Philippines-1”, isang itinatag na airspace restriction zone para sa mga layuning pangkaligtasan at seguridad.

Sinabi ng CAAP na ang “RP” ay kumakatawan sa Republic of the Philippines, ang International Civil Aviation Organization (ICAO) country code para sa Pilipinas.

Samantala, ang “P1” ay tumutukoy sa isang partikular na restricted airspace na sumasaklaw sa lugar na nakapalibot sa Palasyo ng Malacañang at mga katabing lugar ng pamahalaan. JR Reyes