MANILA, Philippines – Sasaklawin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga piling outpatient cancer screening tests sa ilalim ng bago nitong Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) simula Agosto 14.
Layon nito na bawasan ang mga pagkamatay na may kaugnayan sa kanser at pagaanin ang pinansiyal na pasanin sa mga pamilyang Pilipino.
Sinabi ni President and Chief Executive Officer Edwin Mercado na ang bagong benefit package ay hihikayat sa mas maraming Pilipino na sumailalim sa napapanahong screening at maagang detection tests para sa suso, baga, atay, at colorectal cancers na mas accessible sa mga miyembro sa buong bansa.
Ang bagong package ay inilunsad sa Jose Reyes Memorial Medical Center sa Maynila, isa sa PhilHealth-accredited screening facilities.
Sa ilalim ng YAKAP, babayaran ng PhilHealth ang:
Mammogram – P2,610
Breast ultrasound – P1,350
Low-dose chest CT scan – P7,220
Alpha fetoprotein – P1,230
Liver ultrasound – P960
Colonoscopy – P23,640
Kailangan lamang mag-register ang mga miyembro sa PhilHealth YAKAP Clinic upang makuha ang benepisyo, sumailalim sa medical assessment, at magbigay ng prescription ng doctor na nagre-refer sa kanila sa accredited cancer screening facility. Jocelyn Tabangcura-Domenden