MANILA, Philippines — Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na hindi mangyayari ang over-importing ng bigas kahit na binuksan ng Pilipinas ang pag-angkat mula sa Pakistan.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., “calibrated” o naaayon sa lokal na pangangailangan ang pag-angkat ng bigas.
“The Philippines welcomes Pakistani rice, but we will limit imports strictly to what the country needs. We will not over-import; food security comes first,” aniya.
Binigyang-diin ni Tiu Laurel na prayoridad pa rin ang self-sufficiency sa pamamagitan ng suporta sa lokal na produksyon at hakbang laban sa epekto ng panahon, tumataas na demand, at mga estruktural na hamon sa produksyon ng palay.
Ang inangkat na bigas ay magsisilbing suplemento at hindi pamalit sa lokal na bigas.
Ipinahayag ng pamahalaang Pakistan ang interes dahil sa kanilang surplus na produksyon at nais ding mag-angkat ng mga produktong Pilipino tulad ng niyog, damong-dagat, at isda.
Layunin ng hakbang na ito na palawakin ang pakikipagkalakalan sa ibang bansa at patibayin ang seguridad sa pagkain. Santi Celario