MANILA, Philippines – Arestado sa entrapment operation nitong Martes ang isang security guard ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na nakatalaga sa loob ng Department of Migrant Workers (DMW) sa Mandaluyong City dahil sa ilegal na pag-aalok ng pinabilis na serbisyo ng gobyerno kapalit ng pera.
Sinabi ng DMW sa isang pahayag na nag-alok ang suspek na mapabilis ang appointment at certificate ng Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) kapalit ng P35,000 bawat aplikante.
Ang PDOS ay ang libreng manadatory requirement para sa first-time overseas Filipino workers (OFWs).
Sinabi ng DMW na ang suspek ay naaresto ng Migrant Workers Operation Bureau (MWPB) ng DMW sa koordiansyon ng Mandaluyong City police.
Inireport ang suspek ng dalawang direct-hire OFWs mula Calaca, Batangas na nakakuha ng trabaho bilang domestic workers para sa royal family sa Bahrain.
Nang kukuha ng PDOS sa OWWA, nilapitan sila ng suspek at inalok ang mga OFW.
Dahil duda sa alok ng suspek, kinuha ng OFW ang contact number ng suspek saka bineripika sa DMW Information Center kung saan napag-alaman na ang PDOS ay ganap na libre.
Nahaharap ang suspek sa kasong estafa at fixing charges sa ilalim ng Section 21(h) ng Republic Act 11032 o ang “Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018”.
Ipinag-utos na ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na magsagawa ng kaukulang imbestigasyon upang malaman kung may kasabwat ang suspek.
Pinaalalalahan din ng kalihim ang lahat ng OFW na makipag-transact lamang sa mga kawani ng DMW.
Nagbabala rin si Cacdac sa mga fixer na hindi sila hahayaan ng DMW na pagsamantalahan ang mga kababayan na nagnanais magtrabaho sa ibang bansa.
Hinikayat din ang publiko na bisithin ang DMW official website sa dmw.gov.ph o tumawag sa 24/7 DMW hotline (02) 8722-1144 or 8722-1155 para maberipika ang impormasyon sa DMW processes at mga kinakailangan. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)