MANILA, Philippines- Tiniyak ng Malakanyang na hindi pa rin nagagalaw ang trust fund ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa kabila ng alalahanin na nakapalibot sa P1.4 billion land deal na nauwi sa pagkakasibak sa pwesto kay Administrator Arnell Ignacio.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, walang indikasyon na ang pondo, ekslusibong inilaan para sa kapakanan ng overseas Filipino workers (OFWs), ay ginamit sa property transaction malapit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
“Sa initial na imbestigasyon, hindi po affected ang OWWA trust fund. Pero inimbestigahan kung may nagamit. Pero sa inisyal na imbestigasyon wala po,” ang sinabi ni Castro.
Sa ilalim ng Republic Act 10801 o OWWA Act, ang OWWA Fund ay klasipikado bilang private trust fund para lamang sa benepisyo ng member-OFWs at kanilang pamilya.
Nilimitahan naman ng batas ang paggamit nito sa ‘core programs at services’ ng ahensya at tahasang ipinagbabawal ito na magamit para dagdagan ang mga paggasta ng ibang government entities.
Nakasaad naman sa Seksyon 38 ng batas na: “The OWWA Fund can only be used for the purposes for which it was created, that is, to serve the welfare of member-OFWs and their families which shall include the financing of core programs and services of the OWWA. No funds shall be withdrawn from the OWWA Fund to respond, aid, supplement, or in any manner augment any required expenditure by other government agencies.”
Nilinaw naman ng batas na ang pondo, bilang isang trust fund, ay exempted mula sa “one fund doctrine” ng gobyerno at hindi dapat bumalik o isama sa pambansang kaban.
Sa kabilang dako, ang umano’y maanomalyang P1.4-billion land acquisition deal, na sinasabing walang pag-apruba ng Board of Trustees ng ahensya, kasalukuyan ngayong sumasailalim sa imbestigasyon ng Department of Migrant Workers (DMW).
Ang land deal ay inilaan para sa konstruksyon ng dormitory-type facility para sa OFWs malapit sa NAIA Terminal 1.
“Sa ngayon po ay under investigation pa po ang lahat. Kung mayroon pang mga opisyal na involved dito, magkakaroon po ng aksyon. Kung sila’y tatanggalin, sususpindehin. Agarang aksyon po ang gagawin,” ang sinabi ni Castro. Kris Jose