MANILA, Philippines- Hiniling ng Office of the Prosecutor ng International Criminal Court (ICC) sa Pre-Trial Chamber I (PTC I) na palawigin pa ang ipinataw na deadline sa pagsusumite ng mahahalagang materyales at pagkakakilanlan ng mga tatayong testigo sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pitong pahinang dokumentong pirmado ni dating
chief prosecutor Karim Khan, nais ng prosekusyon na palawigin hanggang July 11 ang general disclosure deadline.
Ginamit na basehan ng prosekusyon ang kaligtasan ng mga testigo at dahil sa judicial economy.
“Nevertheless, the Prosecution, consistent with its duties under article 68(1) of the Rome Statute (“Statute”) and rule 87 of the Rules, and in consultation with its Security and Protection Unit (“SPU”), assesses that the immediate disclosure of their identities would give rise to an objective risk to their safety,” anang prosekusyon.
Sunabi ng prosekusyon na kailangan pa nilang masuri kung kinakailangan ang non-disclosure application.
Iginiit ng prosecution na ang kanilang kahilingan na extension ay makatwiran at naaayon sa karapatan din ni Duterte sa ilalim ng Article 67(1) at sa karapatan ng mga testigo sa ilalim ng Article 68(1) ng Statute.
Ang pagpapalawig anila sa petsa para mailantad ang pagkakakilanlan ng mga testigo ay pasok pa rin sa minimum na 30-day notice period.
Si Duterte ay nakatakdang humarap sa pre trial chamber sa Setyembre 23 para sa “confirmation of charges proceedings”. Teresa Tavares