Home METRO P.4M tobats nasabat sa Kyusi

P.4M tobats nasabat sa Kyusi

MANILA, Philippines – MAHIGIT P474,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat ng mga operatiba ng Quezon City Police sa isinagawang buy-bust operasyon ng mga otoridad sa naturang lungsod, nitong Martes ng madaling araw.

Isa na namang matagumpay na operasyon kontra ilegal na droga ang naisagawa ng QCPD sa ilalim ng pamumuno ni PCOL Melecio Buslig, Jr, sa pamamagitan ng masusing pagtutok ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU).

Ayon sa ulat sa bisa ng isang buy-bust operation noong Marso 4, 2025, sa Brgy. San Antonio, Quezon City, naaresto ang suspek na si Rolando Matias, 34 taong gulang, at residente ng No. 258 Sto. Niño St., Brgy. San Antonio, Quezon City.

Sinabi ni PMAJ Elvin Ballesteros, Chief ng DDEU, naisagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa PDEA NCR dakong 2:30 AM sa mismong tahanan ng suspek.

Nabatid na isang undercover police officer ang nagsilbing poseur buyer at bumili ng P35,000.00 halaga ng shabu mula kay Matias. Matapos ang transaksyon, agad itong inaresto.

Kaugnay nito narekober mula sa suspek ang kabuuang 69.71 gramo ng shabu na may halagang P474,028.00, kasama ang ginamit na boodle money sa operasyon.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, sa pamamagitan ng Investigation Solution Automatic Verification (ISAV) system, natuklasan na ang suspek ay mayroon nang kaparehong kaso noong Marso at Setyembre 2019.

“Ang matagumpay na operasyon na ito ay patunay ng patuloy nating laban kontra droga. Kung kaya’t, hindi titigil ang inyong kapulisan sa pagsupil sa mga kriminal na nagpapakalat ng iligal na droga sa ating komunidad,” saad ni PCOL Buslig, Jr. (Santi Celario)