MANILA, Philippines – TINATAYANG nasa mahigit P805,000 halaga ng High-Grade marijuana o Kush ang nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Clark sa isang parsel na nagmula sa bansang Amerika na unang idineklara na naglalaman ng “replacement filter”.
Nabatid sa BOC, ang nasabing parsela na nagmula sa California, USA, ay isinailalim sa x-ray scanning at K9 sniffing kung saan parehong nagpahiwatig ng posibleng pagkakaroon ng mga ipinagbabawal na gamot kaya’t agad itong isinailalim sa pisikal na pagsusuri na nagresulta sa pagkakadiskubre ng nasa 488 gramo ng mga tuyong dahon na hinihinalang High-Grade Marijuana o Kush.
Itinurn-over ang mga nasabing samples sa PDEA para sa chemical laboratory analysis kung saan kinumpirma nila na may presensiya ito ng Marijuana, na isang mapanganib na droga sa ilalim R.A. No. 9165.
“A Warrant of Seizure and Detention was issued against the subject shipment for violation of Section 118 (g), 119 (d), and 1113 par. f, I, and l (3 and 4) of R.A. No. 10863 or the Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) in relation to R.A. No. 9165,” saad ng BOC. Jay Reyes