MANILA, Philippines – DAHIL nalalapit na ang bakasyon ngayong panahon ng Kapaskuhan, hinimok ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman Junie E. Cua ang publiko na magdoble ingat upang makaiwas sa sakit.
Ito ay ayon sa ulat ng Department of Health nitong linggo na ang bansa ay nakapagtala ng halos 200,000 kaso ng influenza-like illness (ILI) ngayong taon.
“I urge our fellow Filipinos to be extra careful para hindi tayo magkasakit, lalo na’t malapit na ang holiday season na panahon para sa mga social gathering,” ani Cua.
Ayon sa DOH, ang kabuuang kaso ng ILI sa bansa ay umabot sa 182,721 mula Enero 1 hanggang Nobyembre 11 ngayong taon, mas mataas ng 51 porsiyento kaysa sa 121,160 na naiulat na mga kaso sa parehong panahon noong 2022.
Anila, ang mga kaso ng pneumonia ay tumaas din ng 46 porsiyento, na may 158,762 na kaso ng pneumonia na naiulat mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon, mula sa 108,982 ng naturang sakit na naitala sa parehong panahon noong 2022.
Nanawagan si Cua sa publiko na ipagpatuloy ang pagsasagawa ng mga health protocol na ipinatupad sa panahon ng pandemya upang mabawasan ang panganib na magkasakit, dahil binigyang-diin niya na “prevention is better than cure.”
“Bagama’t lipas na ang pandemya, ang mga health protocols ay nagbibigay pa rin ng proteksyon laban sa mga virus na sanhi ng respiratory illness. Mas mabuti na pong umiwas dahil mahal magkasakit,” ayon kay Chairman Cua.
Hinikayat din ni Cua ang mga Pilipino na sundin ang payo ng DOH lalo na sa mga bata, matatanda, at iba pang mahihinang sektor na sundin ang mga protocol tulad ng: voluntary masking, regular na paghuhugas ng kamay, paghihiwalay kapag may sakit, pagtiyak ng sapat na bentilasyon, at pagpapabakuna.
“The holidays are a time for fun and fellowship, but I hope that we also engage in them responsibly. Kapag po nagkasakit tayo, tandaan natin na maaari tayong makahawa,” paalala pa ni Cua.