Home HOME BANNER STORY P1.36B shabu mula Laos nasabat sa Manila port

P1.36B shabu mula Laos nasabat sa Manila port

6
0
Photo by Eric Ocapan

MANILA, Philippines – NASABAT ng mga awtoridad ang tinatayang 200 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱1.36 bilyon sa Manila International Container Port (MICP) matapos matuklasang nakatago ang ilegal na droga sa mga kahon sa loob ng isang 40-foot container.

Photo by Eric Ocapan
Photo by Eric Ocapan
Photo by Eric Ocapan
Photo by Eric Ocapan
Photo by Eric Ocapan

Pinangunahan ng Bureau of Customs (BOC), katuwang ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP), ang operasyon na nagresulta sa pagkabigo ng tangkang pagpupuslit ng malaking kargamento ng ilegal na droga sa bansa.

Ayon kay PDEA Assistant Secretary Renato Gumban, nagmula sa Vietnam Anti-Narcotics Police Department ang intelligence information hinggil sa kahina-hinalang shipment na posibleng may lamang shabu.

Batay sa impormasyong natanggap, nagmula sa Lao People’s Democratic Republic (Lao PDR) ang kargamento na dumaan muna sa Haiphong, Vietnam, bago ipinadala sa Hong Kong. Mula roon, inilipat ang container sa ibang barko na bumiyahe patungong Pilipinas.

Agad na ibinahagi ng PDEA Intelligence Service ang impormasyon sa BOC Customs Intelligence and Investigation Service upang matutukan ang shipment bago pa ito makarating sa bansa.

Isinailalim sa X-ray scanning at pisikal na inspeksyon ang container, kung saan nadiskubre ang 50 kahon na naglalaman ng tig-apat na pakete ng hinihinalang shabu. Nagpositibo sa methamphetamine hydrochloride o shabu ang mga nakuhang substance sa isinagawang paunang field test.

Personal na siniyasat nina Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, DILG Secretary Jonvic C. Remulla, Gumban at PNP Lieutenant General Neri Vincent Ignacio ang mga nakumpiskang hinihinalang droga.

Binigyang-diin ni Remulla na hindi dapat matapos sa pagkakasabat ng droga ang operasyon ng mga awtoridad. Kailangan ding matukoy ang pinagmulan ng shipment, gayundin ang mga indibidwal na nasa likod ng pagpapadala at pagtanggap nito.

Samantala, tiniyak ni Ignacio na makikipagtulungan ang PNP sa BOC at PDEA para sa mas malalim na imbestigasyon. Inaalam na rin ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng consignee o tatanggap ng kargamento.

Patuloy namang sinusundan ng BOC, katuwang ang PNP Drug Enforcement Group, ang ruta ng shipment upang matukoy ang pinagmulan nito at iba pang posibleng sangkot sa tangkang pagpupuslit.

Batay sa datos ng BOC, umabot na sa 520 operasyon laban sa ilegal na droga ang naisagawa nito noong 2025 at 2026, na nagresulta sa pagkakasabat ng mga kontrabandong nagkakahalaga ng kabuuang ₱11.294 bilyon.

Nakapagsampa rin ang ahensya ng pitong kasong may kaugnayan sa ilegal na droga laban sa 10 indibidwal sa nasabing panahon, habang 10 akusado naman ang nahatulang nagkasala sa dalawang kasong may kaugnayan sa droga.

Ayon kay Nepomuceno, bahagi ng mandato ng Customs ang pagpigil sa pagpasok ng ilegal na droga sa bansa, bukod sa pangongolekta ng buwis at iba pang kita para sa pamahalaan.

Tiniyak naman ng MICP, na paiigtingin pa ang pagbabantay at inspeksyon sa mga pumapasok na kargamento upang maagap na matukoy at mapigilan ang mga tangkang pagpupuslit ng ilegal na droga. JAY REYES

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here