Home NATIONWIDE P1.4M ‘di sertipikadong produkto nasamsam ng DTI sa Cebu

P1.4M ‘di sertipikadong produkto nasamsam ng DTI sa Cebu

MANILA, Philippines – Nasamsam ng Department of Trade and Industry (DTI) nitong Lunes ang P1.4 milyon na halaga ng hindi sertipikadong mga produkto at iba pang mga kalakal sa Cebu nitong unang bahagi ng buwan, na nagpatuloy sa pagsugpo ng pamahalaan sa mga substandard na item sa merkado.

Iniulat ng DTI na ang kanilang Task Force Kalasag ay nagsagawa ng mga operasyon noong Marso 3, 6, at 7, at sinamsam ang mga hindi sertipikadong produkto tulad ng mga lighter, LPG-related products, electrical lighting at wiring devices, mga gamit sa bahay, construction materials, at automotive-related items.

Ayon sa DTI, ang mga nasamsam na produkto ay kulang ng kinakailangang Philippine Standard marks, Import Community Clearance stickers at iba pang impormasyon ng manufacturer.

Dahil dito, nilabag nito ang regulasyon sa ilalim ng Consumer Act of the Philippines at Product Standards Law.

Sa unang dalawang buwan ng taon, sinabi ng DTI na ang Task Force Kalasag nito ay nakasamsam ng mahigit P8.3 milyong halaga ng hindi sumusunod na mga produkto, na may kabuuang 60,020 iba’t ibang mga item.

Hinimok din ng gobyerno ang publiko na mag-ulat ng mga reklamo o paglabag kaugnay ng mga retailer na nagbebenta ng mga lumabag na produkto sa pamamagitan ng DTI Consumer Care Hotline (1-384) o magpadala ng email sa [email protected] o [email protected]. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)