Home METRO P1.4M ilegal na droga nasamsam sa 2 tulak sa Navotas

P1.4M ilegal na droga nasamsam sa 2 tulak sa Navotas

MANILA, Philippines- Swak sa kulungan ang dalawang umano’y tulak ng ilegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P1.4 milyong halaga ng shabu nang masakote sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Navotas City.

Kinilala ni Navotas Police chief P/Col. Mario Cortes ang naarestong mga suspek na sina alyas “Tere”, 41, biyuda, (pusher/listed) at alyas “Mark”, 18, kapwa residente ng Saint Joseph, Richfield Subdivision, Santa Rosa Laguna.

Base sa ulat ni Col. Cortes kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, dakong alas-9:56 ng gabi nang maaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unity (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Genere Sanchez ang mga suspek sa Matang Baka St., Brgy. NBBS Dagat-Dagatan matapos bentahan ng P22,000 halaga ng droga ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigit-kumulang 220 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1,496,000, buy-bust money na isang tunay na P1,000, kasama ang 21 pirasong boodle money, bag at isang timbangan.

Sinabi ni Capt. Sanchez na unang nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang regular confidential informant (RCI) hinggil sa illegal drug activities ng mga suspek kaya isinailalim nila ang mga ito sa validation at nang magpositibo ang ulat ay agad nilang ikinasa ang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Ayon kay PSSg Flosine-Mar Nebre, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. R.A Marquez