Home NATIONWIDE P1.4M illegal na droga nasamsam ng Davao City police

P1.4M illegal na droga nasamsam ng Davao City police

MANILA, Philippines – Nakumpiska ng mga awtoridad ang mahigit P1.4 milyon halaga ng illegal na droga sa operasyon mula Marso 23 hanggang 29, iniulat ng Davao City Police Office nitong Lunes, Marso 31.

Ayon kay Col. Hansel Marantan, acting Davao City police chief, nagresulta ang 29 anti-drug operations sa pagkakaaresto ng 39 suspek at pagkakasamsam ng 213.736 gramo ng shabu at 255.84 gramo ng marijuana.

Ang shabu ay nagkakahalaga ng P1.45 milyon at ang marijuana naman ay nasa P30,700.

“The Davao City Police Office remains steadfast in its mission to protect the city and its residents,” ani Marantan.

Samantala, sinabi ng DCPO chief na pinaigting din nila ang anti-gambling efforts na nagresulta sa pagkakaaresto ng 32 gambler sa 24 operasyon.

Nasa P6,126 bet money ang nakumpiska at 24 kaso ang inihain sa mga lumabag dito.

Mayroon ding 41 indibidwal na wanted ang naaresto, kung saan walo rito ang most wanted persons.

Samantala, sa 39 operasyon target ang mga loose firearm, nahuli ng DCPO ang tatlong indibidwal at nakakumpiska ng apat na illegal na armas.

Dagdag pa, narekober ng mga awtoridad ang tatlong iba pang armas na kusang isinuko, at 37 sa Oplan Katok safekeeping program.

“These accomplishments highlight the DCPO’s dedication to enforcing the law while respecting human rights and adhering to Police Operational Procedures,” dagdag ni Marantan. RNT/JGC