Home NATIONWIDE P1.5M pera, alahas natangay ng basag-kotse gang

P1.5M pera, alahas natangay ng basag-kotse gang

MANILA, Philippines – Nasa mahigit sa 1.5 milyong piso ng mga alahas at pera ang natangay sa isang lady contractor na biniktima ng basag-kotse gang habang naka-park sa Medical Center sa Brgy. De Ocampo, Trece Martirez City, Cavite.

Sa ulat ng pulisya, nasa pagitan ng alas 7 hanggang alas 12:00 ng gabi nang maganap ang insidente ayon sa security guard ng MV Santiago Medical Center kung saan naka-park ang sasakyan ng biktima na kinilala sa alyas na Cecile, 54-anyos, na may-ari ng isang Toyota Land Cruiser.

Sa salaysay ng biktima, ipinark umano nito ang kaniyang sasakyan sa nasabing lugar. Binalikan niya ito ng alas 11:30 ng gabi at doon an niya nadiskubre na basag ang bintana ng kaniyang sasakyan at wala na sa upuan ang kaniyang bag kung saan nakalagay ang mga alahas na may halagang P550,000 at pera na P970,000.

Kasalukuyan ng nagsasagawa ng back tracking ng mga CCTV sa lugar para sa pagkakakilanlan ng suspek. Margie Bautista