BATANGAS, Philippines – Nasabat ng pulisya ang ₱1.7 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo at inaresto ang isang 33-anyos na negosyante sa buy-bust operation noong Agosto 12 sa Barangay Poblacion 1, Calaca City, Batangas.
Kinilala ang suspek na si MK, isang may-ari ng tindahan sa naturang lugar. Ayon sa imbestigasyon, nahuli siya matapos tanggapin ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng mga ilegal na sigarilyo.
Isinagawa ang operasyon ng mga operatiba ng Batangas Police Provincial Office, Calaca Component City Police Station, at iba pang katuwang na yunit.
Narekober sa operasyon ang 30 master case ng iba’t ibang brand ng sigarilyo na may kabuuang halagang ₱1,719,000, isang multi-purpose van (plate number DAV 1936), at ang marked money.
Nakakulong na ang suspek habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (RA 10863) at National Internal Revenue Code (RA 8424).
Ayon kay Batangas Police Director Col. Oliver Ebora, paiigtingin pa ng pulisya ang operasyon laban sa smuggled na sigarilyo upang maprotektahan ang lehitimong negosyo at kita ng pamahalaan. RNT/MDS