CALABARZON- Nasamsam ng mga awtoridad ang P1.8 milyong halaga ng shabu at marijuana sa pinaigting na anti-drug operation, iniulat kahapon sa mga probinsya ng Cavite, Laguna, Rizal, Quezon.
Base sa ulat ng Region 4A police, sa dalawang araw ng operasyon noong Biyernes at Sabado, nadakip ng mga ahente ng anti-narcotics sa Dasmarinas City, Cavite, ang suspek na isang alyas Jayson, residente ng Barangay Salitran 2, bandang alas-5:55 ng hapon noong Biyernes.
Nakabili kay Jayson ang isang pulis na nagpapanggap na bibili ng marijuana sa halagang P13,000.
Nakuha sa suspek ang 16 pakete na naglalaman ng mataas na uri ng marijuana na may timbang na 449,18 gramo; 37 pirasong maliit na kahon na naglalaman ng liquified marijuana na may bigat na 74 gramo at tinatayang may kabuuang halaga na P840,270.
Pagsapit naman ng alas-10:40 ng gabi, nahuli sa Barangay Salawag sina Kay at Francisco at narekober sa mga ito ang anim na pakete na naglalaman ng 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P340,000.
Sa Barangay San Isidro. Taytay, Rizal, dakong ala-1:25 ng madaling araw ng Sabado ay nadakip ang isang JR at narekober ang sling bag na may 5 pakete ng shabu at may bigat na 62 gramo na may halagang P421,600.
Nahuli din sa Sta. Cruz, Laguna ang isang Berto, sa Barangay Oogong dakong alas-12:30 ng hapon noong Biyernes na isang street drug pusher.
Nakuha kay Berto ang apat na pakete ng shabu na aabot sa halagang P43,860 at.22 caliber pistol na may apat na bala.
Samantala, nahuli din sa Barangay Ibabang Iyam, Lucena City ang isang Ric, bandang alas-6:15 ng hapon noong Biyernes.
Ayon kay Lieutenant Colonel Dennis de Guzman, hepe ng Lucena police, ang suspek ay isang HVI at narekober dito ang limang pakete ng shabu na may timbang na 24 gramo na nagkakahalaga ng P163,200.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na nasa kustodiya ng pulisya habang dagdag na kasong illegal possession of a firearm at paglabag sa election gun ban si Berto. Mary Anne Sapico