MANILA, Philippines – Ibinunyag ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang pagkawala ng lima sa mga flood control projects sa Naujan, Oriental Mindoro na nagkakahalaga ng mahigit ₱1 bilyon, kabilang ang isang dike sa Sitio Dike, Barangay Apitong na nagkakahalaga ng ₱192.9 milyon at idineklarang “completed” ng DPWH.
“Walang nakita ang aking team sa mismong lugar,” pahayag ni Lacson sa kanyang privilege speech nitong Miyerkoles.
Kinumpirma ni Barangay Captain Mel Eleponga na walang ganitong proyekto ang naipatayo noong 2024.
Ayon kay Governor Bonz Dolor, bukod sa naturang dike, apat pang proyekto na nakalista sa 2024 at 2025 budget na nagkakahalaga ng ₱200 milyon hanggang ₱300 milyon bawat isa ang nawawala. Dalawa lamang ang natukoy sa barangay, at isa rito ay may nakabaong sheet piles at nakaimbak na bakal.
Konektado ang mga proyekto sa contractor na Sunwest Inc., na hindi pa nagbibigay ng pahayag.
Ayon naman sa DBM, iimbestigahan nito kung nailabas ang pondo, at binigyang-diin na DPWH bilang implementing agency ang nagmumungkahi ng mga proyekto para sa budget.
Binigyang-diin din ni Lacson ang mga sira nang flood control project sa Baco at Naujan na aniya’y posibleng may kinalaman sa congressional insertions.
Mariin itong itinanggi ni Rep. Arnan Panaligan at sinabing DPWH, hindi ang mga kongresista, ang nagpanukala ng mga proyekto. RNT