Home METRO P10.2M puslit na sigarilyo nakumpiska sa Sulu

P10.2M puslit na sigarilyo nakumpiska sa Sulu

SULU-UMABOT sa P10.2 milyong halaga ng puslit na sigarilyo ang nasamsam ng mga tauhan ng Philippine Navy, noong Biyernes, Mayo 31 sa Patikul, Sulu.

Ayon kay Commodore Francisco Tagamolila, commander ng Naval Forces Western Mindanao, naharang nila ang mga sigarilyong gawa sa Indonesia karga ng isang maliit na bangkang de motor sa karagatang sakop ng Patikul, Sulu.

Sa isinagawang pagsisiyasat ng mga tauhan ng PN ay walang maipakitang kaukulang dokumento sa mga kontrabando.

Agad na kinumpiska ang mga sigarilyo sakay ng dalawang patrol boats ng Naval Task Force 61 at dinala sa Zamboanga City katuwang ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency 9 at mga tauhan ng Police Regional Office-9.

Tinurn-over naman sa Bureau of Customs ang mga nakumpiskang sigarilyo para sa tamang dokumentasyon at disposisyon. Mary Anne Sapico