MANILA, Philippines – LABIS na ikinatuwa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naging tagumpay ng pamahalaan sa paglaban sa pinag-ugatan ng illegal na droga.
Ito’y matapos na iulat ng Philippine National Police (PNP) na nakakumpiska ito ng P10.4 billion na halaga ng narcotics noong 2023 at idineklarang drug-cleared ang malaking bilang ng komunidad mula sa drug influence.
“Na-ireport ng PNP na we have successfully confiscated an estimated 10.4 billion pesos worth of illegal drugs in 2023. Masasabi natin na 27,968 na barangay ay na-ideklara na drug-cleared,” ang naging pahayag ng Pangulo sa kanyang video message.
“Magandang progreso ito sa grassroots level dahil ang mga barangay ay pag nasabi natin ay cleared ‘yan, madali nang i-monitor at maayos na ang patakbo doon. Siyempre, lagi rin natin tinitingnan ‘yung rehab, ‘yung prevention na hindi na pumasok ‘yung mga kababayan natin sa masasamang ugali tungkol dito sa drugs at kung sino man ang nasubo na ay bibigyan natin ng tulong sa pamamagitan ng mga rehabilitation centers,” dagdag na wika nito.
Nagsagawa ng pagsalakay ang national government upang tugunan ang illegal drugs sa local level at makipagtulungan sa 50 lalawigan, 1,160 munisipalidad, at 30 lungsod sa pagpapatupad ng Anti-Drug Abuse Council (ADAC).
“Nakapag-pagawa tayo ng 74 in-patient treatment and rehabilitation facilities to provide a path to recovery for those who want to break free from their addiction,” ayon kay Pangulong Marcos.
Maliban sa mga nakumpiskang P10.4 billion halaga ng illegal na droga at idineklarang drug-cleared ang mahigit sa 27,000 barangay mula sa narcotics noong 2023, winika ng PNP na naaresto rin nito ang 56,495 suspects matapos magsagawa ng mahigit sa 44,000 anti-illegal drug operations.
Ang kamakailan lamang na tagumpay ng gobyerno sa ilalim ng “new approach” ng administrasyon Marcos para tugunan ng illegal an droga sa pamamagitan ng pagtuon sa “rehabilitation, reintegration, at preventive education programs” lalo na para sa mga kabataan. Kris Jose