Home NATIONWIDE P100K pabuya alok sa magtuturo sa mga pumatay sa 2 oil palm...

P100K pabuya alok sa magtuturo sa mga pumatay sa 2 oil palm farmworkers sa Agusan

MANILA, Philippines – Nag-alok si Mayor Grace Carmel Paredes-Bravo ng San Francisco, Agusan del Sur, ng P100,000 pabuya sa makapagbibigay ng impormasyon para maaresto ang mga suspek sa pamamaril-patay sa dalawang oil palm farmworkers.

Ang pag-atake noong Pebrero 29 sa Barangay San Isidro ay nagresulta rin sa pagkasugat ng isa pang indibidwal.

Mula mismo sa bulsa ng alkalde ang ibibigay na pabuya, na ibibigay sa informant matapos ang masusing validation para maaresto ang isa sa dalawang hinihinalang gunmen.

“I hope this will bring justice to the victims, and prevent such incidents from happening again,” ani Bravo.

Iginiit ng alkalde na makatutulong ang pabuya para makakuha pa ng mas maraming impormasyon at ebidensya laban sa mga suspek.

Pinaniniwalaang batay sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng sangkot ang iba pang indibidwal sa pagsasagawa ng krimen.

Nagpasalamat naman si San Francisco police chief Major Milan Naz sa tulong ng alkalde para mapabilis ang pagresolba sa krimen.

Matatandaan na nasawi sa pamamaril sina Rolando Ayaton at Jimmy Boy Lucero, nang barilin habang ibinabyahe ang mga na-harvest na oil palms sa paanan ng Mt. Magdiwata malapit sa national highway.

Sugatan naman sa pananambang ang isa pang manggagawa na si Daniel Gallemba.

Tinitingnan ng pulisya ang anggulo na away sa lupa sa pagitan ng Manobo group na tinatawag na Oyay Mansaloay Antod Ogow Bando Ugong (OMAUBAO) Tribal Clan Organization at NGPI Agrarian Reform Beneficiaries Multi-Purpose Cooperative (NGPI ARB MPC).

Noong Disyembre 2022, nagprotesta ang mga agrarian reform beneficiary at mga opisyal ng San Francisco Water District laban sa pagtira ng mga miyembro ng OMAUBAO sa mga lugar sa San Francisco at Rosario, Agusan del Sur, na may mga tanim na oil palm sa pagsasabing ito ay kanilang ancestral domain.

Ipinakita pa ni Bardo “Datu Hag-um” Bando, lider ng OMAUBAO at Municipal Indigenous Peoples Mandatory Representative (MIPMR) sa konseho, ang certificate of recognition ng kanilang Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) application, na inisyu ng National Commission on Indigenous Peoples noong Disyembre 14, 2022.

Nanguna na ang Department of Agrarian Reform (DAR) provincial office sa pinag-aagawang oil palm farms sa ilalim ng Support for the Parcelization of Individual Titles (SPLIT) program.

Samantala, itinanggi naman ni Bando na sangkot ang OMAUBAO sa insidente.

Iginiit niyang dapat mapanagot ang mga sangkot sa krimen na tinawag pa niyang “cowardly act.”

“If you ambush, do it to your armed targets, not innocent civilians,” ani Bando. RNT/JGC

Previous article10 sugatan sa sumabog na water tank sa Parañaque
Next articleP1.2B cash aid, programs sa Oriental Mindoro ipamamahagi