MANILA, Philippines – Nilinaw ni dating Ilocos Sur governor Luis “Chavit” Singson nitong Martes na ang kanyang P100,000 reward offer sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) traffic enforcers na sumita sa kanyang convoy dahil sa hindi awtorisadong paggamit ng EDSA Busway ay hindi isang suhol.
Sa panayam radyo, sinabi ni Singson na inalok niya ang reward money para “hikayatin” ang mga enforcer na hulihin ang mga motorista na mali.
“Gusto ko i-congratulate ang mga tao niyo at bigyan ng pabuya para ma-encourage sila na manghuli at hihirit ako ng paumanhin… Nagpaalam muna ako para hindi naman suhol, para lang ma-encourage ‘yung mga tao niya,” ani Singson, na tinutukoy si MMDA chairman Romando Artes.
Nakatanggap ng violation ticket ang convoy ni Singson mula sa MMDA noong Lunes matapos mahuli na gumagamit ng EDSA Busway. Sakay ng lead vehicle ang dating gobernador nang sitahin sila sa EDSA-Cubao. RNT