MANILA, Philippines – Nasamsam ng mga awtoridad ang nasa 15 kilo ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Buaya, Lapu-Lapu City nitong Biyernes, Nobyembre 22.
Tinatayang aabot sa P102 milyon ang halaga ng shabu, na narekober sa ikinasang operasyon ng intelligence unit ng Lapu-Lapu City Police Office (LLCPO) sa pangunguna ni Police Lt. Col. Mark Lester Eteroza na isinilid sa isang traveling bag mula kay Wilzen Messiah Regalado Credo, 42-anyos na residente ng Barangay Lagtang, Talisay City, Cebu.
Ayon kay Police Lt. Col. Christian Torres, information officer ng LLCPO, isinagawa ang month-long surveillance operation bago nila kornerin si Credo.
Nagagawa umanong makapagbenta ng suspek ng tatlong kilo ng shabu sa mga kliyente nito sa Cebu City, Mandaue City, at Lapu-Lapu.
Dagdag ni Torres, sumailalim na si Credo sa rehabilitation noong 2021 ngunit bumalik pa rin sa pagtutulak matapos nito.
Nagpapatuloy ang follow-up operation upang matukoy ang mga kasabwat ng suspek at pinagkukuhanan nito ng illegal na droga. RNT/JGC